Search anything about Pinoy Entertainment Here!
Proven Helpful! Search NOW!
Posted on 12:34 PM

Star Records still manages Charice Pempengco despite guest appearances abroad



Kilalang-kilala na ngayon ang young singer na si Charice Pempengco, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa.

Ilan sa mga napuntahan na ng dalagang singer ay ang Star King (Korea), Paul O' Brady (London), The Ellen DeGeneres Show (America), at Oprah (U.S.). Bukod pa rito, nakasama na rin niya sa isang concert tribute para sa American songwriter na si David Foster ang ilang sikat na music artists tulad nina Alicia Keys, Josh Groban, at John Mayer sa Mandalay Bay, Las Vegas, Nevada kamakailan.

Sa kanyang patuloy na pagkakaroon ng shows abroad, tanong tuloy ng...

ilan kung hawak din ng Star Records ang kanyang bookings sa ibang bansa.

Sa press conference na inihanda para kay Charice noong May 29 sa 9501 restaurant ng ABS-CBN, sinabi ng Star Records marketing unit head na si Nixon Sy na Star Records pa rin ang nangangasiwa sa mga ito, subalit may agent din si Charice sa U.S.

"Actually, ang nangyayari, lahat ng mga bookings niya from [Star Records], 'tapos sa U.S. parang mayroon din siyang parang agent doon," paliwanag ni Sy.

Dagdag pa niya, "Basically, lahat nakaayos, lahat ng schedules niya. Like, example, this time to this time nasa U.S. siya. So pagkabalik [ni Charice] dito, nakalatag na lahat ng mga plano."

Sa ngayon, wala pang naka-schedule para kay Charice na show na'tulad ng mga unang nabanggit, ngunit babalik siya sa U.S. para sa isang concert series na handog ng The Filipino Channel (TFC). Sa katunayan, lumipad si Charice kahapon, May 30, patungong U.S. para rito.

Babalik si Charice sa June 12 para naman maghanda sa inaabangang concert ng Air Supply sa June 14 kung saan isa siya sa mga napiling special guest.

MAJOR CONCERT. Pagkatapos ng exposures abroad, inaasahan din ng fans ni Charice ang pagkakaroon niya ng solo concert. Ngunit kay Mr. Sy ng Star Records, wala pang definite plans para sa major concert ni Charice.

Aniya, pinaghahandaan naman pero, "Siyempre, in terms of career management, inaayos lang din muna namin siya. Kasi parang for a 15 years old, 'tapos nag-concert na, what's the next? Alam mo yun? Kasi baka malula lang din siya, biglang mayroong concert na agad."

Nangamba naman ang ilang media na baka magbago na ang boses ni Charice sa panahong magkakaroon siya ng solo concert.

"Hindi naman po siguro," mahinhing sagot ni Charice. "Kasi noong age ko ng 13, kumbaga nagbago po ang voice ko, as in hindi ko po noon maabot lahat yung...like yung kinakanta ko po ngayon. Siguro po parang sa lalaki po nagbibinata, so parang sa akin, nagkaroon po siya ng hindi magandang... Para po sa akin, siguro habang lumalaki po ako, nade-develop [yung voice ko]."

CHANGING HER NAME. Sa kanyang TV guestings abroad, kapansin-pansin ang paiba-ibang bigkas ng mga host sa apelyido ni Charice na "Pempengco." Ito diumano ang dahilan kung bakit sa kanyang self-titled debut album ay tanging "Charice" lamang ang nakalagay.

Kaugnay nito, pinabulaanan ni Charice na kaya niya tinanggal ang kanyang apelyido ay dahil sa usap-usapan na ayaw itong ipagamit ng kanyang ama.

"Actually, hindi naman po talaga na-drop," sabi ni Charice. "Kumbaga kasi po, di ba, lahat tayo napanood n'yo po yung mga guestings ko po sa American TV shows, as in parang iba-iba po yung pronunciation [ng Pempengco]. So, Charice na lang po para mas mabilis pong matandaan ng mga tao. Kahit po sa America, di ba, mas maganda po kung sasabihin nila, ‘Charice.'"

Dagdag pang paglilinaw ni Mr. Sy, "Actually, parang yun din kasi ang [ginagawa] ng ibang star, e. Parang Pempengco, mahaba din kasi for a 15-year-old. It's better off na rin kasi, the easy way, parang Charice na lang po."

BETTER PERFORMANCE ABROAD. Sa pocket press conference, napag-usapan din ang performance ni Charice dito at sa abroad. Isang miyembro ng media ang nagpahayag na kakaiba raw ang pagkanta ni Charice kapag nasa abroad kumpara sa performance niya sa ASAP.

Sabi nito, mas maganda raw ang boses niya kapag kumakanta siya sa ibang bansa at kung sa ASAP naman daw ay tila bitin ang kanyang performance.

Paliwanag naman ni Charice, "Depende po 'yon sa mga kantang ibinibigay. Kasi mostly po ng mga kanta po na binibigay sa akin sa ASAP, minsan po fast song. Minsan po yung kanta po na binibigay sa akin sa TV shows, mga ballad. Yung ASAP po, binibigyan nila ako ng fast songs kasi po siyempre parang tina-try nila para makita nila yung versatility ko."

Ipinaliwanag din ng batang singer na ganito rin ang dahilan kung bakit halos pare-pareho ang kinakanta niya kapag nagpe-perform siya abroad. Aniya, "'Tapos po kasi sa ibang bansa, nire-request po nila yung mga talagang birit kaya po talagang naiiba po yung performance ko."

Isa pang dahilan kung bakit madalas niyang kantahin ang Whitney Houston original na "I Will Always Love You" ay dahil isa ito sa kanyang mga paborito.

Para kay Charice, "Kasi po yung 'I Will Always Love You Po,' bata pa lang ako yun na po yung ipinanlalaban ko sa contests. Siyempre po, yung mommy ko po kasi sa banda po siya dati. Yung mga kinakanta po niya mga ganun type of songs. So parang naeengganyo po ako, yun na rin po ang nahiligan ko."

Sa mga naganap sa kanya, batid ni Charice ang malaking pagbabago sa kanyang buhay. "Ngayon po, marami pong nakakakilala sa akin," pahayag niya. "'Tapos nakakatuwa po kasi lahat po sila sinasabi sa akin proud daw po sila sa akin. Kumbaga, 'yong mga eksena na nangyayari ngayon, parang 'yon po yung gustung-gusto ko."

Gayunman, may isa pa ring kahilingan si Charice para sa kanyang ika-15 na kaarawan noong May 10: "Sana po kung ano po yung natatanggap kong blessings ngayon, sana po mas marami pa pong dumating. At saka sana po maging proud po sa akin yung ibang Filipinos."

source: GMA7 WEBSITE
source: GMA7 NEWS WEBSITE
source: ABS-CBN WEBSITE
source: ABS-CBN NEWS WEBSITE
source: PHILIPPINE ENTERTAINMENT PORTAL (PEP) WEBSITE
source: ABANTE-TONITE ONLINE WEBSITE

No comments:

Search anything about Pinoy Entertainment Here!
Proven Helpful! Search NOW!